Pamimintana sa Pintong Rosas Budget Hotel


Price:
₱510

Description

By Allan Derain
Editor-at-Large: Jerry V. Gracio

Bahagi na ng búhay ni Fidel Sumpid ang mamintana sa mga mumurahing hotel. Matapos ang ilang taong paggagalugad, natagpuan na niya kung saan pinakamagandang mamintana—sa Pintong Rosas Budget Hotel. Dito rin niya sinisilip ang búhay ni Eron, isa sa mga estudyante niya.

Instructor si Fidel sa College of Hospitality International–Novaliches. Nagtuturo siya ng Philippine Culture and Mythology sa mga estudyanteng kumukuha ng hospitality management na kadalasang nagiging OFW kapag nakapagtapos. Hindi lubos maunawaan ng kaniyang mga estudyante ang silbi ng kultura at mitolohiya ng kanilang bayan kung mangingibang bansa naman sila, ngunit hindi niya sukat akalaing mas hindi niya mauunawaan ang takbo ng kaniyang búhay sa pagdating ni Eron.

Ang pagsilip sa búhay ni Fidel ay tila ba imbitasyong dumungaw rin sa iyong sariling bintana, pansinin ang nasa paligid, at sukatin kung hanggang saan ka dadalhin ng iyong mga mata. Pupukawin din kaya ng iyong pamimintana ang iyong pagnanasa?

MGA PAGSUSURI:
“Hindi mo iisiping masasabi sa pagbalik-balik ng bidang baklang si Fidel Sumpid sa budget motel ang mga mapagmulat na muni sa libog, pag-ibig, at pagpapakatao. Napakaraming pakikipagsapalaran ang dinaranas niya na talampakang humahamon sa mapang-bully na sistemang sinasayawan ng maraming katulad niya. Litaw rito ang katawan, isip, at kaluluwa ng bida, na sa kabila ng paglulugar ng sarili sa patas na puwesto ng pakikipagkapuwa ay nakuha pa ring masamain ng heteronormatibong komunidad. Isang sigaw ng paghulagpos ang maririnig mula sa silid ng nasa at pag-ibig na nilikha ng nobelistang si Allan Derain.”

— Joey Baquiran, Manunulat


“Iba ang ginawa ni Allan Derain. Laman ng librong ito ang mga pagmumuni-muni sa konsepto ng libog, ligaya, kalungkutan, buhay, at kamatayan. Tila madulas na laberinto ang estilo ng manunulat. Unti- unti tayong dinadala sa isang liku-likong daan na patungo sa isang destinasyong may mahika. At narito ang mahika ng isang mahusay na manunulat—ipinakikita ang kakaiba sa pangkaraniwan, ang malalim sa pang-araw-araw. Bilang mga mambabasa, nakatingin tayo sa bintana ng mga salita at nakikita natin ang ating mga sarili—buo man o watak- watak, katawan at kaluluwa, ang kasalukuyan at magpakainlanman.”

–Danton Remoto, Awtor ng Riverrun: A Novel at The Heart of Summer: Tales and Stories


Sukat: 5" x 8"
Bilang ng pahina: 248
Tagalimbag: Vibal Foundation Inc.
Imprint: Paraluman
Copyright: 2025

You may also like

Recently viewed