Description
Author: Andyleen Feje
Editor-at-Large: Jerry V. Gracio
Ang Magsimula Tayo sa Panghalip ay koleksiyon ng labindalawang maiikling kuwentong nakasentro sa karanasan at naratibo ng mga lesbiyana at queer individuals.
Tampok sa koleksiyong ito ang mga temang may kinalaman sa sexual awakening, gender dysphoria, empowerment, at dynamics sa loob at labas ng tahanan. Sa bawat pahina ay matutunghayan ang mga kuwento ng pagkilala, pagtanggap, at pagmamahal sa sarili at sa iba.
Ang Magsimula Tayo sa Panghalip, higit bilang pamagat, ay isang paanyaya sa mga mambabasa na balikan ang katutubong sarili, ang katutubong wika, kung saan ang siya ay hindi nakadikit sa pagiging “lalaki” o pagiging “babae” kundi sa posibilidad ng pag-iral bilang isang indibidwal na maláy at malaya. Kaya naman, ang siya ay si Camille,
si Rosana, si Princess, si Len, si Monique, si Ninya, si Oblong, si Kyle, si Juana, si Badet, si Nessa, si Sam, si Diwa, si Maricarl, si Leslie, at si Mace. Pero, higit sa lahat, ang siya ay ikaw rin, at ako—tayong nais silang pakinggan at bigyang espasyo.
MGA PAGSUSURI:
“Puno ng pagnanasa ang mga kuwento ni Andyleen Feje: pagnanasa sa katawan, pagnanasa sa paghihiganti, pagnanasa sa pagbabago, pagnanasa sa pagmamahal. At sigurado akong mapupuno rin ng pagnanasang magbasa ang sinumang bumuklat ng Magsimula Tayo sa Panghalip,Panghalip, dahil ang mga kuwentong ito—na nagtatampok sa lesbiyanang karanasan—ay para sa lahat ng marunong magnasa at magmahal.” — Chuckberry J. Pascual, awtor ng
Ang Nawawalang Barangay at Mars, May Zombie!
“Hindi mo maibababa ang koleksiyong ito kung hindi dahil kailangan mong kumain at mag-banyo. Kumpleto ang range of emotions na mararamdaman ng mambabasa, mula sa simula hanggang dulo. Basahin si Andyleen Feje nang maintindihan hindi lang ang kaniyang danas at kaisipan, kundi pati ang lipunan.” — Geraldine Gentozala-Juachon,
awtor ng Bilang Babae
Sukat: 5" x 8"
Bilang ng pahina: 216
Tagalimbag: Vibal Foundation Inc.
Imprint: Paraluman
Copyright: 2025