Condenado


Price:
₱600

Description

Condenado
Likha ni Francisco V. Coching

Sino ang tunay na salarin, at sino ang tunay na condenado? Sa gitna ng alaala ng digmaan at huling habilin ni Private Robles, kukupkupin nina Kapitan Artemio at Lydia ang naulilang si Orlando. Sa kanilang pailing, matitikman ni Orlando ang init ng isang tahanan—ang kalinga ng isang mapag-arugang ina at ang paggabay ng isang amang tinitingala sa kanilang bayan. Sa maurang edad, tangan na ni Orlando ang bigat ng isang pangakong ipagsanggalang ang lahat ng mahalaga sa kaniya. Ngunit hanggang saan siya dadalhin ng tungkuling ito kung ang kalaban ay ang tinitingalang si Artemio?
     Ang Condenado ay isang klasik komiks na isinulat at iginuhit ni Pambansang Alagad ng Sining Francisco V. Coching. Una itong inilathala noong 1958 sa Pilipino Komiks. Ang kuwentong ito ay sumasalamin sa mga hamon ng katarungan, dangal, at kapalaran sa buhay ng isang sundalo at ng batang minsan nang napamahal sa kaniya.
    Imbitasyon ang komiks na ito para sa ating lahat, upang pag-isipan kung paano ba dapat ginagamit ang kapangyarihan, kung ano o para kanino ang katarungan, at kung may kabuluhan pa bang baguhin ng isang tao ang sariling kapalaran. Ipinapaalala ng likhang-kamay na ito ni Coching, na ang laban para sa hustisya ay hindi nagtatapos—ito ay labang hinaharap ng bawat henerasyon. 

PAGSUSURI:  
“Kapag ang usapan ay dibuho sa komiks, si Francisco V. Coching ang una at pinakanangingibabaw sa mga hinahangaan ko. Taglay niya ang lahat ng katangiang bihirang matagpuan sa isang manlilikha: buháy na buháy ang kaniyang mga guhit, at dama mo ang lakas at galaw sa bawat pigura. Higit sa lahat, lumilitaw sa kaniyang mga obra ang diwa at likas na pagiging Pilipino. Sa 𝘊𝘰𝘯𝘥𝘦𝘯𝘢𝘥𝘰, higit pang umigting ang kaniyang husay sa pagsasalaysay, na makikita sa matitinding eksena at makapangyarihang mga tauhan. Dito mo masusumpungan ang tatak-Coching.”
— Ismael F. Esber Dibuhista, pintor

Sukat: 8.25" x 10.5"
Bilang ng pahina: 136
Mabibili ng: Full-color/ Softbound
Tagalimbag: Vibal Foundation Inc.
Imprint: Grafika
Editor-at-Large: Randy Valiente
Copyright: 2025

Tungkol sa Manlilikha 
Si Francisco V. Coching (Enero 29, 1919 – Setyembre 1, 1998) ay isang Filipinong ilustrador at manunulat ng komiks noong Ginintuang Panahon ng Komiks sa Pilipinas. Kinilala siya bilang isa sa mga “Haligi ng Industriya ng Komiks sa Pilipinas,” ang “Hari ng Komiks,” at ang “Dekano ng Komiks sa Pilipinas.” Siya ang lumikha ng mga tanyag na karakter gaya nina Pedro Penduko, Hagibis, at Sabas, ang Barbaro.
     Hindi natapos ni Coching ang kaniyang pag-aaral upang maging ilustrador para sa Liwayway sa ilalim ng paggabay ni Tony Velasquez. Noong 1934, sa edad na labinlima, nilikha niya ang Bing Bigotilyo para sa Silahis Magazine. Malaki ang impluwensiya sa kaniya ni Francisco Reyes, isa pang tagapanguna sa industriya ng komiks sa Pilipinas. 
     Pagkatapos ng 39 na taon sa industriya ng komiks, nagretiro si Coching noong 1973 sa edad na 54. Nakalikha si Coching ng kabuuang 53 nobelang komiks. Lahat ay isinapelikula, maliban sa tatlong pamagat. Pumanaw siya sa edad na 78 noong Setyembre 1, 1998.
     Noong 2014, ginawaran siya bilang Pambansang Alagad ng Sining para sa Sining Biswal, ang pinakamataas na parangal para sa mga alagad ng sining sa Pilipinas.

You may also like

Recently viewed