Nagalit ang Aswang sa Mahal ng Bawang - SB


Price:
₱1,050

Description

Kuwento ni RANDY VALIENTE
Guhit ni AURELIO CASTRO III

May dalang halimuyak ang isang nagdadalang-tao. At para sa isang aswang na sumalakay sa nalimot at nahihimbing na bayan ng San Marcelino, pinakamabango ang dinadalang sanggol ng asawa ni Makisig. Sa gitna ng bunuan at pagtugis ng tao sa halimaw, sinariwa ng bidang magsasaka ang masalimuot niyang buhay. Sa pagsisikap, pananamantala, paglaban, at mga pambihirang pagkakataon, ano nga ba talaga ang hangganan ng pagiging tao at aswang?


Noong nadakip, hiniling ng kaaway ang kamatayan. Bago ang napipintong hatol,isinalaysay ng aswang ang kaniyang nakaraan. Nang dahil sa batong singlaki ng butil ng bawang, nagbago ang isang naghihingalong buhay. Sapagkat gaya ng ibang nilalang ng kadiliman at kasamaan, ang aswang ng San Marcelino ay hindi lamang bunga ng pagkakataon. Ito ay nilikha ng mahabang proseso ng sistema ng bayan at lipunan. Sa lambong ng gabi, sa dulo ng talim ng kaniyang mga kuko at pangil, nahanap ng halimaw ang hustisya.


Sa aklat na ito nina Randy Valiente at Aurelio Castro III, ang aswang at ang bayan ay penomenon ng modernong panahon kung saan ang bawat kaganapan ay hindi mangyayari kung walang kasamang pangangalam ng tiyan. Habang ang bayan ay nag-aalay ng dugo para sa ikabubuti ng mga mamamayan nito, sinisipsip naman ng aswang ang dugong dumadaloy rito para sa sariling kalamnan. Paano nga ba nabuo ang aswang at bakit ito galit sa halaga ng bawang?

MGA PAGSUSURI:
“Binabalot sa dilim ng gutom at kahirapan ang Nagalit ang Aswang sa Mahal ng Bawang nina Randy Valiente at Aurelio Castro III, samantalang sinisiyasat nito ang pagkapit ng tao sa lupa, at ang takot na salit-salit na bumubuhay at pumapaslang sa daigdig. Mahusay ang pag-uugat ng kuwento sa isang bagong salaysay ng aswang sa isang lipunang nilalamon ng kawalang-katarungan. Marubdob ang mga guhit ni Castro
—magaspang ngunit may lalim ng damdamin—at matalim ang kuwento ni Valiente—may kirot sa pagkilatis sa mga totoong mukha ng halimaw. Narito ang isang kuwentong naghahanap ng mga bagong landas ng pagliligtas sa kahulugan ng pagiging tao—basahin natin bago patuloy na magmahal ang mga bilihin!”
— Edgar Calabia Samar, kritiko at nobelista

 

“Ang aswang ay muling isinilang sa grapikong nobela na ito bilang isang simbolo ng paghihirap at kawalang-katarungang sumisila sa lipunan, sa halip na isang simpleng halimaw. Hindi lagi-lagi na napaghahalo ang sindak at simpatiya sa mga kuwentong katulad nito. Mahusay ang pagsanib ng mga gunita sa gitna ng sagupaan; gamay ni Randy Valiente ang daloy ng kuwento kahit sa ilalim pa ng tubig napunta ang labanan. At kung hindi ka pa tagahanga ni Au Castro para sa kaniyang urban sketches, makikita mo sa akdang ito ang kaniyang masinsing mga guhit ng isang bayang nilamon ng pangamba. Sa bawat pahina, unti-unting nababasag ang lumang anyo ng aswang, at sa kalaunan ay matutuklasan ang mas nakatatakot na katotohanan.”
— Frank Cimatu, peryodista

 

Sukat: 8.25" x 10.5"
Bilang ng pahina: 104
Tagalimbag: Vibal Foundation Inc.
Imprint: Grafika
Copyright: 2025

You may also like

Recently viewed